Categories
In Tagalog Pets

Ang Aming Alagang si Harold: Ang Blog na Walang “E” (A “Buwan ng Wika” Blog)

Isang pagpupugay sa aming si Harold.

* Paunang SalitaDahil matatapos na ang Buwan ng Wika dito sa ating bansa, ninais ko na makapagbigay kahulugan dito sa pamamagitan ng pag blog sa wikang pambansa (o pang rehiyon), na sa aking halimbawa, ay wikang Tagalog, gawa ng ang aking mga magulang ay tubong Bataan at Laguna.

At dahil sa aking pakiwari ay nahihilig ako sa pagpapahirap sa aking sarili, gagawin ko ito sa pamamagitan ng pagsulat ng “Lipogram”, isang paraan ng pagsusulat na gumagamit ng lahat ng titik ng ABAKADA, maliban sa isa. Ang napisil kong iwaglit sa blog na ito ay ang titik “E”, sapagkat wala lang. Nais ko lang, bakit ba?

*************************************************************************************

Kamakailan ay sumakabilang-buhay ang aming mahal na aso na si Harold, isang lahi ng aso na kung tawagin ay shih tzu, na tumayong kapatid ng aking nagiisang anak na si Dani, sapagkat inampon namin siya nun 6 na taon pa lamang ang aking anak, na ngayon ay 20-taong gulang na. Naisulat ko na ang patungkol sa kanya sa mga nakaraang blog, matagal na panahon na ang nakalipas, kaya’t nararapat lamang na isara ko ang yugto ng kanyang buhay sa pamamagitan nito.

Mahirap din mawalan ng alaga sa panahon ngayon, sapagkat ang turing na ng nakararami sa mga alagang hayop ay kapamilya.  Dinadala sa ospital para sa taunang pagpapatingin sa doktor, pinaghahanda kapag kaarawan, sinasama sa mga pasyalan at laman ng lahat ating mga Instagram. Kung minsan nga ay mas mahal pa ang pagpapagamot ko sa aso kaysa sa anak, na minsan ay Biogesic lang ang katapat, ayos na.

Naalala ko nung aming kabataan, kahit na may mga aso din kaming tinuring na parang kapamilya, iba pa din ang pangkalahatang pakikitungo sa mga hayop nung panahong iyon. Hindi kasing laki ng pagpapahalaga, lalo na sa mga pusang gala. At bakit nga naman hindi? Kung makailan ding panahon na ang aming uulaming napakalaking tilapia (as aking paningin) ay makikita mong tangay-tangay ng isang pusang gala palabas ng kusina.  Paalam, ulam.

Maaring ikagalit ito ng mga maka-hayop sa panahon ngayon, ngunit mayroong pusang galang lumalagi sa aming bahay nung unang panahon, na pinangalanan naming magkakapatid na “Football”.  Hulaan nyo na lang kung bakit. (ahihihi!) Lubhang na irita sa amin ang aming mga anak ng malaman nila ang kwentong ito, maraming taon ang lumipas (ibig kong sabihin “ngayon”). Ngunit nangyari na yun, at iba na nga ang panahon ngayon.

Mabalik tayo kay Harold…

Matapos ang aming mahabang pagsasama, at maraming mga kaganapan na, uhmm… naganap, lubos naming ikinalungkot ang kanyang paglisan.  Pinaka- ramdam ito ni Dani, siya na ang turing kay Harold ay isang kapatid.  Bilang nagiisang anak, malaki ang nagawa ni Harold upang maibsan ang di miminsang kalungkutan ng aking anak, na kung kilala nyo ang mga kabataan sa panahon ngayon, ay mararamdamin at malambot (maaring ikagalit nila ito, ngunit ako ay laki sa ibang panahon, kay kebs).

Nakapagdulot rin si Harold ng kasiyahan di lamang sa aking anak, kundi sa aking butihing ina, na sa kanyang katandaan at pagkabiyuda, ay naging kasa-kasama ni Harold sa araw araw na kanyang pananatili sa bahay, habang nagaantay sa aming paguwi.

Kaya naman nung araw ng paglisan ni Harold, nagpaalamanan na sila ng aking ina sa sasakyan, at ang huli ay di na bumaba nung dinala namin ang alaga sa tanggapan ng panghayop na doktor.  Minabuti niya na magantay na lamang sa sasakyan, kunwari ‘di naiiyak. Tanggap nya na kasama ito sa gulong ng buhay, may aalis, may darating. Matiwasay ang kanyang kalooban, datapwat pinipilit na hindi sya gaanong nalulungkot.

Sa kabilang dako, lubha namang nasaktan ang aking anak, na iyak ng iyak kahit buhay pa naman si Harold, at pinagtitinginan ng mga kasabayan namin sa tanggapan nung araw na yun.

Ngunit lahat naman tayo ay darating doon, una-una nga lang, sabi nga nila.

Ngayong araw ay sinundo namin ang mga abo ni Harold, sapagkat minabuti naming ipasunog ang kanyang mga labi, kahit na lahat ng aming mga nakaraang alaga ay nakalibing sa likod-bahay ng aming kabataan. Wala lang, maiba lang. Para maaring may alaala ang aking ina at aking anak, may alaala sa bahay ng aking ina at sa aming tahanan.

Kay Harold, magkikita tayong muli, huwag lamang sana sa nalalapit na panahon, kahit matagal pa, ok lang.  Salamat sa iyong katapatan at pakikiisa sa aming oras ng kalungkutan at saya.

Mahal ka namin. Paalam.

Harold urn

 

 

Advertisement

By supernormalgirl

Single, 40-ish mom, travelling this world as any normal, girl-next-door would. Is both positive and negative, yin and yang, good and bad. A forever 'tween. Has a love-hate relationship with food, and food wins most of the time. From Manila, Philippines.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s